Nananatiling alerto at handa ang buong PNP Bicol sa pananalasa ni Typhoon Enteng sa buong rehiyon at karatig nitong mga lalawigan nitong araw, Setyembre 1, 2024.
Mismong si Police Brigadier General Andre P Dizon, Regional Director, PRO 5 ang nanguna sa paghahanda ng lahat ng tauhan sa rehiyon na nauna ng nakahigh-alert kasabay sa paghahanda ng lahat ng mga PNP equipment at mobilities na kakailanganin sakaling magsagawa ng relief and rescue operations.
Nakaantabay na rin ang Reactionary Standby Support Force (RSSF) ng rehiyon para sa pagpapabilis ng pagresponde ng kapulisan at pagtulong sa mga apektadong residente bunsod ng pananalasa ng bagyo.
Samantala nakipagtulungan na rin ang PRO 5 sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Bicol, para sa pagkakaroon ng preemptive evacuations, partikular na sa mga residenteng nakatira sa mga coastal areas na siyang lubos na apektado sa naturang bagyo.
Nananatili namang bukas ang lahat ng hotline number sa bawat police station upang umantabay sa lahat ng mga nangangailangang residente. Habang hinikayat naman ni PBGen Dizon ang publiko lalo na ang nakatira sa bahaing lugar na maging alerto at huwag isantabi ang kaligtasan, at sumunod sa payo ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang uri ng aberya.