Lanao del Sur – Tiniyak ng PNP at AFP ang seguridad para sa gaganaping special election sa 14 na barangay sa Lanao del Sur na gaganapin sa Mayo 15, 2022.
Ito ay matapos ideklara ng Commission on Election Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (COMELEC BARMM) ang failure of election sa 12 Barangay ng Tubaran, isang Barangay ng Butig, at isa mula sa mga bayan ng Binidayan.
Ang nasabing proklamasyon ay bilang tugon sa kahilingan ni Atty. Ray Sumalipao, Regional Election Director, COMELEC BARMM na magsagawa ng special election sa Tubaran.
Ayon kay Atty. Sumalipao, mga insidente ng pagnanakaw ng balota sa Brgy. Ragayan, Butig; naitalang karahasan na nagresulta sa pagkasira ng mga Vote-Counting Machine at mga official ballots sa Pindolonan, Binidayan; mga karahasan, pagbabanta, at pananakot na naiulat sa mismong araw ng halalan sa Tubaran ang mga naging dahilan ng pagdeklara ng failure of election alinsunod sa probisyon ng Omnibus Election Code 2.
Tiniyak ng PNP at AFP, sa pakikipag-ugnayan sa COMELEC at iba pang ahensya ng gobyerno na palalakasin at paiigtingin nila ang seguridad upang matiyak ang matagumpay, mapayapa, at maayos na pagsasagawa ng special election sa tatlong bayan ng Lanao del Sur.
###
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz