Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr si Police Lieutenant General Rodolfo Azurin Jr bilang bagong Chief ng Philippine National Police, ito ay kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles nito lamang umaga ng Lunes, Agosto 1, 2022.
Si Azurin ay bahagi sa Philippine Military Academy (‘Makatao’ Class of 1989) at ang kasalukuyang commander ng Northern Luzon Area Police Command kung saan nasasakupan nito ang Ilocos (Region 1), Cagayan Valley (Region 2), Central Luzon (Region 3) at ang Cordillera Administrative Region.
Siya ay dati na ring commander ng Southern Luzon Area Police Command na kinabibilangan naman ng mga rehiyon ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) – Region 4-A; MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) – Region 4-B at Bicol (Region 5).
Isa sa mga natatanging lider ng Philippine National Police na naglingkod sa iba’t ibang opisina ng pambansang pulisya, mapa police operation man o administrative work.
Umupo rin sya sa mga pangunahing star-rank position sa Camp Crame bilang Direktor ng Directorate for Comptrollership (DC) at ng Directorate for Information and Communication Technology Management (DICTM).
Bilang bagong heneral, si Azurin ay naging Direktor ng Maritime Group at kalaunan naging Regional Director ng Police Regional Office 1 sa Ilocos.
Nanungkulan din siya bilang Provincial Director ng Benguet Province, Chief ng Task Force Limbas ng Highway Patrol Group (HPG) at Deputy Operations Officer ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Bukod pa rito, siya ay nanungkulan din sa 1st Special Action Company sa Parang, Maguindanao, 231st Philippine Constabulary (PC) Company sa Quezon Province, Police Aviation Security Command — ngayon ay Aviation Security Group (AVSEG), Criminal Investigation Service Command — dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Office of Internal Security (OIS), Department of Interior and Local Government (DILG), Health Service, Police Community Relations Group — ngayon ay Police Community Affairs and Development Group (PCADG), at ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).
Si Azurin ay ipinanganak noong April 24, 1967 sa Paniqui, Tarlac at lumaki sa bayan ng La Trinidad, Benguet. Siya ay ikinasal kay Mary Grace Lino at biniyayaan ng tatlong anak, sina Martin, Ninna, at Aaron. (OPS)
###