Patay ang pitong indibidwal matapos ang nangyaring sagupaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Tamano Aragasi Group sa Barangay Tuca Maror, Bongo Island, Parang, Maguindanao del Norte nito lamang ika-17 ng Oktubre 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Romeo Juan Macapaz, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, ang nanlabang grupo nina Tamano Aragasi at MILF sa ilalim ni Commander Macmod at Commander Paradise.
Nagsimula ang tensyon sa pagitan ng dalawang grupo pasado 6:00 ng umaga nito lamang Biyernes, nang biglang magka-engkwentro at nagkapalitan ng putok ang dalawang grupo.
Agad namang tinungo ng mga tauhan ng PRO BAR katuwang ang Philippine Marines ang lugar at tatlong bangkay na sangkot sa bakbakan ang kanilang narekober na patuloy pang inaalam ang mga pagkakakilanlan.
Ang apat na iba pang mga biktima ay patuloy na pinaghahanap na pinaniniwalaang nalunod sa dagat sa kasagsagan ng bakbakan.
Narekober naman ng mga awtoridad ang mga matataas na kalibre ng armas at mga bala sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy naman ang PRO BAR na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang mga grupo na sangkot sa bakbakan at panatilihin ang kaayusan at seguridad ng lugar para masigurong walang sibilyan ang madadamay.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora J Agbuya