General Santos City – Nakakaantig puso ang ginawang kabutihan ng Aviation Security Unit 12 (AVSEU 12) at mga kawani ng GenSan International Airport sa kanilang pagtulong sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa bansang Kuwait upang makauwi sa Balot Island, Sarangani, Davao Del Sur, nito lamang Nobyembre 7, 2022.
Kinilala ang OFW na si Rosalinda P Gandao, residente ng Balot Island, Sarangani Davao Del Sur at sa hindi inaasahang pangyayari siya ay pinauwi ng embassy ng Kuwait noong ika-5 ng Nobyembre 2022 at nakarating sa General Santos City International Airport nito lamang Nobyembre 7, 2022.
Batay sa kwento ng nasabing OFW sa ating kapulisan sa AVSEU 12, pinauwi siya na walang ipon o dalang pera.
Kaya naman, nagtulong-tulong ang mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration Regional Welfare Office (OWWA RWO) XII, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), AVSEG PNP at iba pang mga pasahero sa naturang paliparan para makalikom ng pera na ibibigay sa ating kababayan na OFW.
Bukod pa rito, sinamahan rin ng mga tauhan ng AVSEU 12 ang OFW patungong public terminal para mapadali ang pag-uwi nito sa kanilang probinsya.
Labis naman ang pasasalamat ng OFW sa natanggap nitong tulong galing sa mga busilak na puso at kalooban na mga nagtatrabaho at mga pasahero ng naturang paliparan.
Dagdag naman ni PLtCol Monico Cayadona, Officer-In-Charge, AVSEU 12, patuloy ang pulisya ng AVSEU 12 sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong alinsunod sa programa ng Pambansang Pulisya na MKK=K o ang Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan tungo sa Kaunlaran.
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal