Nasabat sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad ang Php973K halaga ng marijuana kush at MJ-Laced Vape sa dalawang High Value Individual sa kahabaan ng Barangay Pio Del Pilar, Makati City nito lamang Disyembre 23, 2024.
Ayon kay Police Brigadier General Manuel J Abrugena, District Director ng Southern Police District, nadakip ng mga operatiba ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati CPS, katuwang ang mga tauhan ng Sub-Station 3 (San Isidro) ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Raprap”, 22 at alyas “Abo”, 27.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang vape products na binubuo ng humigit-kumulang 85 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php578,000, 165 gramo ng marijuana kush, na may halagang Php247,000 at ilang disposable vape pen na naglalaman ng pinaghihinalaang marijuana/cannabis oil kabilang ang limang violet disposable vape pens (Cookies Cotton Candy), siyam na violet disposable vape pens (Cookies Apple Fritter), at iba pang variant ng marijuana-laced vape pen, kabilang ang Cookies Blueberry, Strawberry Kush, at Himalayan Gold, bukod sa iba pa, na may kabuuang street value na Php148,500.
Ang lahat ng mga nakumpiskang iligal na droga ay nagkakahalaga ng tinatayang Php973,500.
Narekober rin ng pulisya ang isang Samsung cellular phone, walong pirasong Php1,000 boodle money, isang genuine Php1,000 na ginamit sa buy-bust operation, isang pakete ng plastic parcel, siyam na piraso ng puting tableta, hinihinalang ilegal na droga, isang Toyota Innova at susi.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang mga suspek.
Patuloy ang SPD sa mandato na sugpuin ang mga sindikato ng ilegal na droga para sa ikabubuti at ikakaunlad ng kanilang nasasakupang komunidad.
Source: SPD PIO