Nakumpiska ang tinatayang Php9,100,000 na halaga ng smuggled cigarettes sa tatlong suspek sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa MCL Highway, Barangay Bolong, Zamboanga City nito lamang Hunyo 12, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Bowenn Joey Masauding, Regional Director ng Police Regional Office 9, ang mga suspek na sina alyas “Alid”, 39 anyos, lalaki, may asawa, truck driver, residente ng Purok 14, Barangay Sinunuc, Zamboanga City; alyas “Moymoy”, 27 anyos, may asawa, truck helper, residente ng Zone 5, Tulungatong, Barangay Ayala, Zamboanga City; at alyas “Ali”, 40 anyos, may asawa at residente ng 7407 Km 2, Kaharian, Indanan, Sulu.
Bandang 1:00 ng madaling nang maaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng Bureau of Customs, Regional Special Operation Unit 9, at Zamboanga City Police Station 3.
Nasabat ang 30 master cases ng Canon, 35 master cases ng Thunder, 34 na master cases ng Dunston, 47 master cases ng Berlin na tinatayang nagkakahalaga ng Php9,165,800 at isang Mits Forward aluminum van na (tractor head) na may plate number na CBP 4182.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Seksyon 1401 (Unlawful Importation or Exportation) ng Republic Act 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas katuwang ang ibang ahensya ng pamahalaan ay hindi nagpapabaya sa kanilang sinumpaang tungkulin na hulihin ang mga taong tiwalag sa batas, mapanatiling ligtas ang komunidad, at ipatupad ang kapayapaan ng bansa para sa mas maunlad na Bagong Pilipinas.