Las Piñas City — Tinatayang higit Php89 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasabat sa isang 25 anyos na babae sa buy-bust ng PDEA at PNP nito lamang Miyerkules, Enero 11, 2022.
Kinilala ni NCRPO Regional Director, PMGen Jonnel Estomo ang suspek na si alyas “Jolle Ann”, 25, residente ng Blk 6 Lot 24, Lotus Street, TS Cruz Subdivision, Almanza Dos, Las Piñas City.
Ayon kay PMGen Estomo, bandang 4:00 ng hapon nang maaresto ang suspek sa kahabaan ng Lotus Street, TS Cruz Subdivision, Almanza Dos, Las Piñas City sa pinagsanib puwersa ng NAIA-IADITG, PDEA RO-NCR SDO at Las Piñas City Police Station.
Ayon pa kay PMGen Estomo, ang operation ay naghudyat sa impormasyon na galing sa isang Regular Confidential Informant (RCI) na humantong sa pagkaaresto sa nasabing suspek.
Nakumpiska kay alyas “Jolle Ann” ang humigit kumulang 13,175 gramo na white crystalline substance na hinihinalang shabu, na may kasalukuyang street value na Php89,590,000; apat na self-sealing foil pouch ng mga meryenda; 44 na self-sealing foil pouch na naglalaman din ng umano’y shabu; at isang cellular phone.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Pinuri ni PMGen Estomo ang matagumpay na pagsasagawa ng operasyon na humantong sa napakaraming huli ng mga drug suspect. Tiniyak rin nya na magpapatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga upang tuluyan na itong mapuksa at maalis sa lipunan.
Aniya, “Tuloy tuloy po tayo sa ating kampanya laban sa ilegal na droga. Kami po ay nakikiusap sa lahat ng mga involve sa ilegal na droga, tigilan na po natin ito dahil hindi po kayo makakatakas sa batas.”
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos