Cebu City – Kumpiskado ang tinatayang nasa 130 gramo ng pinaghihinalaang shabu na umaabot ang halaga sa Php884,000 sa suspek na naaresto sa Anti-Illegal Drug Operation ng Cebu City Police Office sa Andres Abellana Ext., Brgy. Guadalupe, Cebu City noong Hulyo 11, 2023.
Ayon kay Police Colonel Ireneo Dalogdog, City Director ng Cebu City Police Office, nadakip sa operasyon ang suspek na kinilalang si alyas “Che”, 25, habang nasagip naman ang 17-taong gulang na kasama nito na mga pawang residente ng Sitio Patag, Brgy. Bonbon ng naturang lungsod.
Ang operasyon ay inilunsad ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Police Station 9 dakong ala-1 ng madaling araw nitong Martes.
Ang suspek na si alyas Che ay mahaharap sa mga kaukulang reklamo sa ilegal na droga.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng agresibo at walang humpay na pagsisikap ng kapulisan ng lungsod upang matuldukan ang problema sa droga.