Nakumpiska ang tinatayang Php880,000 halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang menor-de-edad at isang 19 na taong gulang na lalaki sa ikinasang drug buy-bust operation ng Iloilo City Police Station 9 sa Bankers Village, Barangay Tabuc Suba, Jaro bandang alas-4:00 ng madaling araw, nito lamanag ika-5 ng Nobyembre 2024.
Kinilala ni Police Major Eduardo Siacon Jr., hepe ng Iloilo City Police Station 9, ang mga suspek na si alyas “Panes”, 19 taong gulang, residente ng Barangay Quintin Salas; si alyas “Nene”, 14 taong gulang; at si alyas “Prince”, 16 taong gulang na residente ng Barangay Sooc, Arevalo.
Ayon kay Police Major Siacon Jr, dati nang nakulong si Panes sa kasong pagnanakaw ngunit bumalik siya sa ilegal na droga matapos makalaya.
Maituturing na High Value Individual (HVI) si Panes dahil sa nakumpiska mula sa kanya na shabu na may kabuuang bigat na 130 gramo.
Nakuha ang walong sachet ng hinihinalang shabu mula kay Panes, na may estimated Standard Drug Price na Php880,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Hinahangad ng kapulisan na sugpuin ang ilegal na droga sa bansa tungo sa isang ligtas at payapang pamayanan.
Source: K5 News Iloilo
Panulat ni Pat Lyneth Sablon