Tinatayang Php800,000 halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng mga tauhan ng Kalinga PNP sa isinagawang marijuana eradication sa Barangay Loccong, Tinglayan, Kalinga nito lamang ika-20 ng Abril 2024.

Ayon kay Police Colonel Freddie M Lazona, Provincial Director ng Kalinga, naging matagumpay ang operasyon sa pagsisikap ng pinagsanib na pwersa ng mga kapulisan sa pangunguna ng mga tauhan ng Tinglayan Municipal Police Station kasama ang mga tauhan ng 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company, Provincial Drug Enforcement Agency – Kalinga, Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit at Kalinga Police Provincial Office.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng plantasyon ng marijuana na may lawak na 400 square meters at may tanim na humigit kumulang 4,000 piraso ng fully grown marijuana plants na tinatayang may Standard Drug Price na Php800,000.

Bagamat walang nahuling cultivator, lahat ng nasabing natuklasan na halaman ng marijuana ay binunot at sinunog sa lugar.
Pinuri naman ni PCol Lazona ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at siniguro na lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya kontra sa ilegal na droga upang matuldukan ang paglaganap ng pinagbabawal na gamot sa nasabing lalawigan.
Panulat ni PSSg Juderick S Tasing