Bohol – Timbog ang 27-taong gulang na lalake sa Bohol matapos makumpiskahan ng nasa Php8,500,000 na halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng mga operatiba ng Dauis Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bohol Police Provincial Office (BPPO) nito lamang Miyerkules, Enero 25, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Thomas Zen Cheung, Officer-In-Charge ng Dauis MPS, ang suspek na si alyas “John-John”, residente ng Brgy. Dao, Tagbilaran City at naaresto dakong 7:15 ng gabi sa Brgy. Poblacion, Dauis ng naturang probinsiya.
Ayon pa kay PLt Cheung, nakumpiska mula sa suspek ang nasa 1.250 kilo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php8,500,000, isang blue and black color combination Yamaha Mio 125, isang unit ng Realme cellphone, at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni Police Colonel Lorenzo A Batuan, Provincial Director ng Bohol PPO, ang Dauis MPS maging ang buong hanay ng PNP sa Bohol sa maigting at mahusay na pagsasakatuparan ng kampanya kontra ilegal na droga at sa lahat ng uri ng kriminalidad para sa pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan, at kapayapaan ng komunidad.