Zamboanga City – Nasabat ang tinatayang Php8.4 milyong halaga ng assorted smuggled cigarettes na nagresulta sa pagkakadakip ng limang indibidwal sa karagatan ng Brgy. Maasin, Zamboanga City bandang 2:30 ng madaling araw nito lamang Nobyembre 6, 2023.
Ayon kay Police Major Heterence Abraham, Force Commander ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company, naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company at Bureau of Customs.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Hassan”, 48; “Sadjang”, 31; “Aljumer”, 27; “Arosal”, 53; at “Mel”, 50, pawang mga residente ng Brgy. Mampang, Zamboanga City.
Lulan ng bangkang de-motor na tinatawag na “Jungkong” ang mga suspek na may markang “Lautanmas 3”, kulay asul, na may kargang assorted smuggled cigarettes na tinatayang aabot sa 240 kahon at tinatayang nagkakahalaga ng Php8,400,000.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sec. 1401 (Unlawful Importation or Exportation) ng RA 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang Pambansang Pulisya ay nagpapa-alala sa mamamayan na huwag gumawa ng ano mang ilegal na gawain o aktibidad upang hindi humantong sa pagkakakulong.
Panulat ni Patrolman John Ronald Tumonong/RPCADU 9