Cebu City – Tinatayang Php783,000 na halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng City Intelligence Unit (CIU) at City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Cebu City Police Office sa tatlong suspek sa magkakahiwalay na buy-bust operation na inilunsad noong Biyernes, marso 10, 2023.
Ayon sa City Director ng CCPO, Police Colonel Ireneo Dalogdog, kabilang sa mga nadakip ang kinilalang Top 10 ng Region 7 sa talaan ng High Value Individual (HVI) at miyembro ng Joel Paca Drug Group na si “Roy-Roy”, 33, at ang noo’y kasama nito na si “Jerry”, 55 taong gulang.
Naaresto ang mga suspek bandang alas-8:00 ng gabi sa Sitio Avocado, Brgy. Lahug, Cebu City na kung saan kasabay ng pagkakaaresto nito ay ang pagkakakumpiska ng nasa 90 gramo ng shabu na may halaga na Php612,000.
Sa kaparehong operasyon, dakong alas-7:40 ng gabi sa Sitio Kalubihan, Banawa, Brgy. Guadalupe sa Cebu City, nadakip ang isa pa sa mga suspek na kinilalang si “Reymart”, 27, at nakumpiskahan ng nasa 25.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php171,260.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni Police Colonel Dalogdog ang mga operatiba ng CIU at CDEU sa matagumpay na operasyon, maging sa husay at galing sa pagsasakatuparan ng kanilang mga hakbangin tungo sa hangaring matuldukan ang problema sa ilegal na droga sa lungsod.