Binunot at sinunog ng mga operatiba ng Benguet PNP ang tinatayang Php740,000 halaga ng mga halaman ng marijuana sa magkahiwalay na plantasyon sa Sitio Tactac, Tacadang, Kibungan, Benguet noong ika-20 ng Disyembre, 2024.
Ayon kay Police Colonel Joseph P Bayongasan, Provincial Director ng Benguet Police Provincial Office, pinangunahan ng mga operatiba ng Kibungan Municipal Police Station ang operasyon, katuwang ang mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit / Provincial Intelligence Unit, Benguet Police Provincial Office, Regional Intelligence Division, PRO CAR at Philippine Drug Enforcement Agency – CAR.
Natuklasan ang unang plantasyon ng marijuana na may lawak na 100 metro kuwadrado, kung saan may tinatayang 500 piraso ng Fully Grown Marijuana Plants na may tinatayang Standard Drug Price na Php100,000.
Kasunod nito, natuklasan din ang pangalawang plantasyon na may lawak na 800 metro kuwadrado, na may tinatayang 3,200 piraso ng Fully Grown Marijuana Plants na may tinatayang Php640,000 Standard Drug Price
Bagamat walang naarestong cultivator, tinatayang Php740,000 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na halaman ng marijuana at agad na sinunog sa mismong lugar.
Patuloy naman ang panawagan ng Benguet PNP sa publiko na itigil ang pagtatanim, pagdadala, at paggamit ng mga iligal na droga, lalo na ang marijuana, dahil mahigpit na ipinagbabawal ito sa ilalim ng Republic Act 9165 at may malalang parusa.