Mahigit Php728,000 halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa Barangay Lapak, Pandami, Sulu nito lamang ika-18 ng Pebrero 2025.
Pinangunahan ni Police Captain Rizhard L. Julkanain, Officer-In-Charge ng Pandami Municipal Police Station, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Sulu Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa smuggling.
Ayon sa ulat, dakong 5:55 ng hapon nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen ukol sa isang kahina-hinalang kargamento sa nasabing barangay.
Agad itong nirespondehan ng mga operatiba, kung saan tumambad ang 20 kahon ng mga smuggled na sigarilyo, na may tinatayang halaga na Php728,000.
Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng PNP sa mga ilegal na aktibidad sa lalawigan, kasabay ng panawagan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang labanan ang smuggling at iba pang uri ng kriminalidad.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora J Agbuya