Malate, Maynila —Tinatayang nasa Php720,000 halaga ng marijuana ang nasabat sa isang lalaking suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Malate Police Station ng Manila Police District nito lamang Huwebes, Oktubre 20, 2022.
Kinilala ni PBGen Jonnel Estomo, Acting Regional Director ng NCRPO, ang suspek na si Bonifacio Taylaran y Bongayan Jr. alyas “Kuya”, 23 taong gulang.
Ayon kay PBGen Estomo, bandang 10:45 ng gabi naaresto si Taylaran sa kahabaan ng Madre Ignacia St. cor. San Andres St., Malate, Manila ng mga operatiba ng Malate PS-9 ng MPD.
Narekober kay Taylaran ang anim na mahabang bloke ng mga tuyong dahon, tangkay at fruiting tops ng marijuana na nakabalot sa isang transparent na plastik na may bigat na 6 kilos at nagkakahalaga ng Php720,000, isang pink, yellow at green na kulay na sako bag, at Brown Toyota Innova na may plate nr. na NBW-3689.
Mahaharap si Taylaran sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PBGen Estomo ang kanyang mga tauhan para sa pagsisikap sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng S.A.F.E. NCRPO Program na naglalayon na makikita, pahalagahan, at maramdaman ng ating mga mamamayan ang mga pulis sa pamamagitan ng pagbibigay ng extraordinary na serbisyo publiko sa komunidad na dapat nilang paglingkuran at protektahan.
“Ang sunud-sunod na tagumpay ng anti-illegal drug operation ay bahagi ng mabisang estratehiya ng Team NCRPO para labanan ang ilegal na droga sa Metro. Ang ating dedikasyon na puksain ang terorismo, ilegal na droga, at iba pang uri ng kriminalidad sa komunidad ay atin pang palalakasin,” dagdag pa niya.
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos