Daraga, Albay – Tinatayang nasa Php700,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang lalaki na kabilang sa listahan ng High Value Individual at Priority Target Drug Personalities sa ikinasang Anti-Illegal Drug Operation ng Daraga PNP sa Brgy. Alcala, Daraga, Albay nito lamang Nobyembre 30, 2022.
Kinilala ni PLtCol Carl Joseph Jaucian, Chief of Police ng Daraga Municipal Police Station, ang mga suspek na sina “Junior”, residente ng Purok 1, Brgy. Kilicao, Daraga, Albay at kabilang sa listahan ng mga High Value Drug Personality at alyas “Ernie”, residente ng Purok 5, Brgy. Tagas, Daraga, Albay at tinaguriang Rank 9 Priority Target Drug Personality ng PDEA RO5.
Ayon kay PLtCol Jaucian, bandang 3:10 ng hapon ng isinagawa ang nasabing operasyon ng pinagsanib na mga operatiba ng Daraga MPS, PIU Albay, PDEG SOU5, RMU5 MARPSA at RIU5 Albay PIT at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO5.
Naaresto ang mga suspek matapos nilang bentahan ng dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu ang poseur buyer ng mga otoridad kapalit ang halagang Php15,000 (buy-bust money).
Sa ginawang body search ay nakuha sa posesyon ng mga suspek ang walo pang pakete at dalawang plastic container (bulk substance) na lahat ay naglalaman ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php700,000 o may timbang na umabot sa 95.21 gramo.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang nasabing operasyon ay kaugnay sa BIDA Program ng DILG na “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” na may mithiing mas mapaigting ang laban kontra ilegal na droga.
Ang pagkakahuli sa mga suspek na nagpapalaganap ng ilegal na droga sa bayan ng Daraga at buong probinsya ng Albay ay nagpapatunay sa walang humpay na pagpupursige ng Daraga PNP upang labanan ang ilegal na droga at kriminalidad.
Source: Daraga Mps Albayppo