Olongapo City – Nasabat ang tinatayang Php700,000 halaga ng shabu at apat na kalalakihan ang timbog sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. East Bajac-Bajac, Olongapo City nito lamang Huwebes, ika-2 ng Marso 2023.
Kinilala ni Police Colonel Carlito Grijaldo, City Director ng Olongapo City Police Office, ang mga suspek na sina alyas “John”, 49, residente ng Olongapo City; alyas “Jayson”, 41, residente ng Masinloc, Zambales; alyas “Arnold”, 22, residente ng Olongapo City at alyas “Jonathan”, 38, residente ng Sta Rita, Olongapo City.
Dagdag pa ni PCol Grijaldo, naaresto ang mga suspek bandang 12:45 ng madaling araw sa pinagsanib pwersa ng Olongapo City Drug Enforcement Unit, Olongapo City Mobile Force Company, Police Station 1 ng Olongapo City at PNP Drug Enforcement Group-Special Operating Unit 3.
Narekober ang 70 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php700,000, black pouch at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hinihikayat ng Pambansang Pulisya ang mga mamamayan na patuloy sa pakikiisa laban sa ilegal na droga para sa kaligtasan ng bawat isa at kaayusan ng ating bansa.
Source: Olongapo City Police Office