Bacoor City, Cavite – Tinatayang Php7,866,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang suspek sa isinagawang joint buy-bust operation sa 187 Queen’s View St, Queen’s Row Central, Bacoor City, Cavite nito lamang Martes, Setyembre 27, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez Jr, Regional Director, Police Regional Office 4A, ang suspek na si Noelle Denise Azul, 29, walang asawa, residente ng Blk 11 Lot 23 Magdiwang Subdivision, Brgy. Queen’s Row Central, Bacoor, Cavite.
Samantala, ang kasabwat na si Octavia Dela Cruz ay nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng awtoridad. Ayon kay PBGen Nartatez Jr, bandang 5:50 ng hapon naaresto ang suspek ng pinagsamang operatiba ng PDEA Region 3 katuwang ang PDEA Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs, Port of Clark at Bacoor Station Drug Enforcement Unit.
Nakumpiska sa suspek ang isang malaking brown box na may dalawang stuff toy na naglalaman ng anim na asul na plastic bags ng hinihinalang shabu na may timbang na 1.140 kilograms na tinatayang nagkakahalaga ng Php7,866,000, tatlong IDs at isang cellphone.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 4, Article ll ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot ay daan tungo sa ligtas, tahimik at maayos na komunidad.
Source: Police Regional Office 4A
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin