Timbog ang isang suspek at narekober ang tinatayang Php7,464,800 halaga ng ninakaw na pera mula sa isang private commercial bank sa Barangay Western Bicutan, Taguig City bandang 3:36 ng hapon nito lamang Lunes, Mayo 5, 2025.
Kinilala ni Police Major General Anthony A Aberin, Regional Director ng National Capital Region Police Office, ang suspek na si alyas “Bernard”, 54 anyos.
Nabatid na pumasok ang suspek bilang isang regular na kliyente at makalipas ang ilang minuto ay pumasok sa CR nang paglabas nito ay may dala ng 9mm. pistol at nagdeklara ng hold-up.
Nabatid na dahil sa pagiging alerto ni alyas ‘Liezel’, marketing officer ng bangko, ay lihim na pinindot ang silent alarm.
Agad namang nirespondehan ng Taguig Sub-Station 2, ang natanggap na automated alarm signal at naabutan na nasa loob pa rin ang suspek.
Nagpadala rin ng karagdagang Tactical teams mula sa Special Weapons and Tactics (SWAT) at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) para sa karagdagang puwersa at masiguro na walang sibilyan ang madadamay.
Agad na na-neutralize ang suspek at matagumpay na narekober ng pulisya ang Php7,464,800 halaga ng ninakaw na pera at nahaharap sa patong-patong na kaso tulad ng Robbery (Hold up) at paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” in relation to RA 7166 o “Omnibus Election Code” at Serious Illegal Detention.
“Ang ipinakitang mabilis at maayos na pagresponde ng ating mga kapulisan ay patunay ng kanilang kahandaan at dedikasyon sa tungkulin. Ganito ang pagpapatupad ng batas-mabilis, mahusay at walang pag-aalinlangan,” ani RD Aberin.
Source: National Capital Region Police Office
Panulat ni PMSg GN Ortiz