Nasabat ang tinatayang Php7,174,000 ng pinaghihinalaang shabu sa limang suspek sa ikinasang PNP buy-bust operation sa Barangay Tanza Baybay, Iloilo City nito lamang Marso 18, 2024.
Kinilala ni Police Captain Glenn A Soliman, hepe ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6, ang tatlo sa mga naaresto bilang mga High Value Individual na sina alyas “Wilmon”, 43, binata, drayber ng traysikel; alyas “Kurt”, 25, binata, walang trabaho; at alyas “Edilberto”, 25, walang trabaho, at mga Street Level Individual na sina alyas “Romulo”, 52, construction worker at alyas “Marl”, 22, kasado at walang trabaho.
Ayon kay PCpt Soliman, bandang 4:32 ng umaga nang isagawa ang operasyon sa pangunguna ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 bilang lead unit, kasama ang City Drug Enforcement Unit-Iloilo City Police Office.
Nakuha mula sa mga suspek ang nasa 1,055 gramo ng pinaghihinalaang ilegal na droga, buy-bust item, proceeds money, buy-bust money, android cellphone, keypad cellular phone, at iba pa.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, patuloy naman na tinutugis ng mga kapulisan ang isa pang drug suspek na kinilalang si alyas “Irish” na nakatakas sa nasabing operasyon.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Jack L Wanky, Regional Director ng PRO6, ang tagumpay ng nasabing operasyon at sinisiguro nito na patuloy ang kapulisan sa buong rehiyon sa pagpapatupad ng batas at kampanya laban sa ilegal na droga.
Source: PRO6 RPIO
Panulat ni Pat Glydel V Astrologo