Cebu City – Tinatayang nasa Php680,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa dalawang drug suspek na naaresto sa magkasunod na buy-bust operation ng mga tauhan ng Police Station 5 ng Cebu City Police Station sa Brgy. Ermita, Cebu City noong Miyerkules, Marso 29, 2023.
Ayon kay Police Major Kenneth Paul Albotra, Station 5 Commander, nang kanilang maberipika ang mga natanggap na ulat ukol sa pagbebenta ng mga suspek ng ilegal na droga, agad na bumuo ang istasyon ng grupo laban sa mga suspek na humantong sa matagumpay na pagkakaaresto ng mga ito.
Dakong alas-8:25 ng gabi nang maaresto ng pulisya ang suspek na kinilalang si “Bonito”, 28, High Value Individual, sa Manalili St. Brgy. Ermita, Cebu City matapos makumpiskahan ng nasa 50 gramo ng hinihinlang shabu na nagkakahalaga ng Php340,000.
Samantala, nadakip naman bandang alas-10:50 ng gabi si “Cherry”, 40, sa Sitio Kawit ng kaparehong barangay kung saan nasamsam din mula rito ang nasa 50 gramo ng shabu na may halaga na Php340,000.
Nahaharap sa paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 ang mga suspek.
Tiniyak naman ng buong kapulisan ng lungsod na kanilang ipagpapatuloy ang maayos at mahusay na pagpapatupad ng kanilang mga hakbangin upang lutasin ang problema sa ilegal na droga at matiyak ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng mamamayan.