Pasig City — Umabot sa Php680,000 halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office nito lamang Miyerkules, Abril 5, 2023.
Kinilala ni NCRPO Chief, PMGen Edgar Alan Okubo, ang mga suspek sa pangalang Armand, 28, may asawa, negosyante, at Pearl John, binata, walang trabaho, pawang mga residente ng Brgy. San Nicholas, Pasig City.
Ayon kay PMGen Okubo, bandang 8:30 ng gabi nang mahuli ang dalawa sa 2nd Floor Mega Parking, Caruncho Ave. Brgy. San Nicolas, Pasig City ng pinagsanib puwersa ng mga operatiba ng NCRPO kasama ang Drug Enforcement Unit ng Pasig City Police Station at Drug Enforcement Unit ng Eastern Police District.
Nasamsam sa mga suspek ang isang pirasong knot-tied transparent plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang 100 gramo ang bigat at nagkakahapaga ng Php680,000; isang Php1,000 na may kasamang 199 piraso ng pekeng Php1,000 na syang ginamit bilang buy-bust money; at isang violet na paper bag.
Mahaharap ang dalawang suspek sa paglabag sa Sec. 5 (Sale of Dangerous Drugs) RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, habang nag-iimbentaryo ang kapulisan, dalawang babae ang nag-alok sa isang police poseur buyer ng Php100,000 kapalit ng kalayaan ng isa sa mga suspek na kinilalang sina Elvie, 51 at Jocelyn, 26, kapwa residente ng Brgy. Pinagbuhatan sa Pasig City ngunit hindi nagpatinag ang pulis at sila ay inaresto sa paglabag sa Art 212 ng RPC o Corruption of Public Officials.
“Pinupuri ko ang ating mga operatiba sa tagumpay na ito. Desidido ang Team NCRPO na ituloy ang kanilang patuloy na pagsugpo sa ilegal na droga. Sa patuloy na pag-aresto at walang humpay na pangako ng ating mga operatiba na pigilan ang paglaganap nito, ang mga negosyante ng ilegal na droga ay magkakaroon ng mas kaunting pagkakataon na tuparin ang kanilang mga masasamang gawain, ” ani RD Okubo.
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos