Tinatayang Php680,000 halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station sa ikinasang buy-bust operation nito lamang Linggo, Nobyembre 17, 2024.
Kinilala ni Southern Police District Director Police Brigadier General Bernard R Yang, ang suspek na si alyas ”Tony Manok” at isang lalaki na kasama nito.
Naganap ang operasyon bandang 12:10 ng madaling araw sa Lupang Pangarap, San Dionisio, Paranaque City at nakumpiska ang 100 gramo ng shabu na may Standard Drug Price na nagkakahalaga ng Php680,000 at isang kalibre .45 Colt pistol na kargado ng apat na bala.
Mga reklamo para sa paglabag sa Seksyon 5 at 11 ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang inihahanda laban sa mga naarestong suspek.
Ang SPD ay hindi natitinag sa pagsasagawa ng mga operasyon kontra ilegal na droga at anumang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang maayos at ligtas na komunidad.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos