Quezon City – Tinatayang Php680,000 halaga ng shabu at baril ang nakumpiska sa apat na suspek sa buy-bust operation ng Quezon City PNP nito lamang Huwebes, Abril 21, 2022.
Kinilala ni District Director Police Brigadier General Remus Medina ng Quezon City Police District, ang mga suspek na sina Roberto Francisco, 50; Rodel Hufancia, 42, parehong residente ng Brgy. San Bartolome, Quezon City, kasama sina Azean Malisua, 19; at Arthur Alabarca, 30, pawang nakatira sa North Caloocan City.
Ayon kay PBGen Medina, dakong alas-5:00 ng madaling araw naaresto ang mga suspek sa J.P. Rizal St., Brgy. Sta. Lucia, Quezon City ng mga tauhan ng Fairview Police Station (PS 5) sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Glenn Gonzales.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php680,000, isang caliber .9mm pistol na may dalawang bala, isang MXI 125 Mio Yamaha, isang cellphone, at perang ginamit sa transaksyon.
Sinampahan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang karagdagang kaso naman ang isasampa laban kay Francisco para sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa Omnibus Election Code.
“Pinupuri ko ang PS 5 sa pamumuno ni PLtCol Gonzales sa kanilang masigasig na operasyon laban sa ilegal na droga. Ituloy lang natin ito upang tuluyan nating masugpo ang ating problema laban sa droga,” ani PBGen Medina.
Source: PIO QCPD
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos