Nakumpiska ang tinatayang Php680,000 halaga ng shabu mula sa isang High Value Individual sa isinagawang drug buy-bust operation ng Regional Drug Enforcement Unit 9 katuwang ang PDEA ZCO, PDEA ZCO-SIU at ng Zamboanga City Police Station 11 bandang 2:09 ng hapon ng Mayo 9, 2025 sa Barangay Baliwasan, Zamboanga City.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si alyas. “Gafs,” (Newly Identified HVI) 32 taong gulang, may asawa, isang elementary graduate, drayber at residente ng Kasulutan Drive, Barangay Sta. Catalina, Zamboanga City.


Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 100 gramo at tinatayang may street value na Php680,000, isang tunay na Php1,000 bill bilang marked money, isang bundle ng pekeng pera na binubuo ng 119 pirasong Php1,000 bill, isang plastic bag at isang motorsiklong Yamaha Aerox na kulay asul-itim na may plaka na 214 JYG.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas katuwang ang ibang ahensya ng pamahalaan ay hindi nagpapabaya sa kanilang sinumpaang tungkulin na hulihin ang mga taong tiwalag sa batas, mapanatiling ligtas ang komunidad, at ipatupad ang kapayapaan ng bansa para sa umuunlad na Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Joyce M Franco