Laguna – Tinatayang Php660,000 halaga ng marijuana ang nakumpiska sa isang lalaki sa ikinasang joint anti-illegal drugs operation ng Laguna PNP nito lamang Biyernes, Oktubre 6, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Harold Depositar, Officer-In-Charge ng Laguna Police Provincial Office, ang suspek na si alyas ‘’Kim’’, residente ng Muntinlupa City.
Naaresto ang suspek ganap na 5:15 ng hapon sa Brgy. Langgam, San Pedro City, Laguna matapos makatanggap ng tawag ang San Pedro City Police Station mula sa isang concerned citizen tungkol sa kahina-hinalang parcel na ipapadala sa isang delivery courier kung kaya’t umaksyon kaagad ang pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng San Pedro PNP kasama ang Regional Intelligence Division 4A, Provincial Intelligence Unit Laguna at Philippine Drug Enforcement Agency Laguna.

Nakumpiska mula sa suspek ang 13 plastic sachet ng hinihinalang dried marijuana leaves na may timbang na aabot sa 5.50 kilo na nagkakahalaga ng Php660,000, walong pirasong kahon, anim na pirasong plastic bubble wrap, limang pirasong itim na plastic bag at isang unit ng motorsiklo.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Laguna PNP ay patuloy na paiigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na droga sa tulong ng mga mamamayan tungo sa kaligtasan, kaayusan at kapayapaan ng probinsya.
Source: Laguna Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel T Dulin