Pampanga – Tinatayang Php646,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Pampanga PNP sa Barangay Duquit, Mabalacat City, Pampanga nito lamang Martes, Hulyo 19, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Alvin R Consolacion, Acting Provincial Director ng Pampanga Police Provincial Office, ang mga suspek na sina Anthony Quiazon y Guya, 33, High Value Individual, residente ng Bagong Anyo St. Brgy. Duquit, Mabalacat City at Cecile Dela Cruz y Lazala, 32, residente ng Ilang-ilang St., Pineda Subdivision, Barangay Dau, Mabalacat City, Pampanga.
Ayon kay PCol Consolacion, bandang 2:30 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa nasabing barangay ng pinagsanib na puwersa ng Mabalacat City Police Station, Provincial Drug Enforcement Unit, Pampanga PPO, 2nd Provincial Mobile Force Company, Pampanga PPO, PNP Drug Enforcement Group- Special Operation Unit 3.
Dagdag ni PCol Consolacion, narekober mula sa suspek ang nasa humigit kumulang 60 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php646,000, digital weighing scale, isang puting sasakyan na Nissan Cube na may plakang RGL624, isang Vivo android Cellphone, Php456 cash, isang body bag at Php1,000 na marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, 26 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy pa rin ang ginagawang operasyon ng PNP para tuluyang mahuli ang mga nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga at maging malaya ang bansa sa ipinagbabawal na gamot na sumisira sa kinabukasan ng mamamayan.
Source: Pampanga PPO
###
Panulat ni PCpl Jeselle V Rivera