Umabot sa Php634,189 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa isang checkpoint operation sa Purok Cabu, Barangay Bawing, General Santos City bandang 6:30 ng umaga nito lamang Abril 2, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Nicomedes P Olaivar Jr., City Director ng General Santos City Police Office, ang mga naarestong indibidwal bilang sina alyas “Ombra” at alyas “Jimzon,” kapwa residente ng Kraan, Palimbang, Sultan Kudarat.
Sa kasagsagan ng isinasagawang COMELEC checkpoint operation ng pinagsanib pwersa ng City Mobile Force Company (CMFC), Task Force Gensan, Regional Intelligence Division 12, at General Santos City Police Office Police Station 5 nang naharang ang dalawang yunit ng sasakyan na minamaneho ng mga nasabing suspek.
Sa pamamagitan ng plain view doctrine, napansin ng mga awtoridad sa loob ng mga sasakyan ang ilang kahon ng sigarilyong hinihinalang smuggled na sigarilyo kung saan walang maipakitang kaukulang dokumento ang dalawang suspek.
Aabot sa 279 rims ng Gajah Baru cigarettes at 381 rims ng Port White cigarettes na may tinatayang halaga na Php634,189 ang nasabat mula sa mga suspek.
Muling pinaalalahanan ng PNP ang publiko na huwag tangkilikin ang smuggled na sigarilyo at iba pang ipinagbabawal na produkto. Ang pagbili at pagbebenta ng mga ito ay may kaakibat na legal na parusa at nakakapinsala sa lokal na ekonomiya. Mahigpit na ipinatutupad ng PNP, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, ang batas laban sa smuggling upang maprotektahan ang mamamayan at tiyakin ang patas na kalakalan sa bansa.