Tinatayang Php6,868,000 na halaga ng shabu ang nasabat sa ikinasang buy-bust operation ng Cagayan de Oro City Police Office sa Kolambog, Lapasan, Cagayan de Oro City nito lamang ika-8 ng Abril 2024.
Ang nasabing operasyon ay pinangunahan ni Police Colonel Salvador N Radam, City Director ng CDOPO katuwang ang City Drug Enforcement Unit.
Ayon kay PCol Radam, bandang alas 9:10 ng gabi ng ikinasa ang naturang operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 1,010 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na Php6,868,00; isang unit ng caliber .38 revolver na may 5 bala; at iba pang mga paraphernalia.
Naaresto rin ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Jeorge”, 46, lalaki, walang asawa at residente ng Kolambog, Lapasan Cagayan de Oro City; at alyas “Dodoy”, 44, lalaki, walang asawa at residente ng Kolambog, Lapasan, Cagayan de Oro City at kinilalang mga High Value Individuals.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang operasyon na ito ay resulta ng walang tigil na dedikasyon ng Cagayan de Oro PNP para sa pagpapaigting sa kanilang kampanya kontra ilegal na droga upang makamit ang isang drug-free na lungsod.
Panulat ni Pat Rheame Sanchez