Nasabat ang tinatayang Php6.8 milyong halaga ng shabu mula sa isang magsasaka sa isinagawang buy-bust operation ng Pampanga PNP sa Barangay Mapalad, Arayat, Pampanga nito lamang ika-5 ng Abril, 2025.
Ang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng Arayat Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Leobaldom R Bacon, Acting Chief of Police, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Pampanga Police Provincial Office.
Naaresto sa naturang operasyon ang isang 48-anyos na magsasaka na residente ng nasabing barangay matapos bentahan ng iligal na droga ang isang undercover operative.
Nakuha mula sa kanyang pag-iingat ang tinatayang isang kilong shabu at Php5,000 na marked money at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng dedikasyon ng Pampanga PNP sa mas pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.
Panulat ni Pat Nikki Lyra Cinderella Barbero