Jolo, Sulu – Nakumpiska ang Php6,800,000 halaga ng shabu at naaresto ang dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng PNP sa Kakuyagan St. Brgy. San Reymundo, Jolo, Sulu noong Oktubre 17, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Annidul Sali, Chief of Police, Jolo Municipal Police Station, ang mga suspek na sina Alfagar Asgali alyas “Ben”, 26, residente ng Brgy. Asturias, Jolo, Sulu at Madjid Arandani Sala alyas “Dams”, 41, na residente ng Brgy. Kabukan, Panglima Tahil, Sulu.
Ang matagumpay na pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakumpiska sa shabu ay resulta ng pinagsanib pwersa ng PDEA Sulu BARMM, Jolo MPS, Regional Intelligence Unit IX, 7th Special Action Battalion SAF, 11th MIB, 1st Provincial Mobile Force Company, 4th Regional Mobile Force Battalion, RMFB BASULTA at Provincial Intelligence Unit Sulu PPO.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang heat-sealed plastic bag na naglalaman ng shabu na may timbang na 1 kilogram na may tinatayang halaga na Php6,800,000, dalawang yunit ng cellular phone, iba’t ibang klase ng identification card at isang wallet.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang PRO BAR ay patuloy sa mandato na tugisin ang mga taong sangkot sa ilegal na droga para makamit ang kaayusan tungo sa kaunlaran sa rehiyon ng Bangsamoro.
Panulat ni Patrolman Mark Vincent Valencia