Valenzuela City — Umabot sa Php6,777,000 halaga ng mga computer graphic cards ang nasabat sa isang lalaking empleyado ng isang kumpanya sa Valenzuela City nito lamang Linggo, Nobyembre 20, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Salvador Destura Jr, Chief of Police ng Valenzuela CPS, ang suspek na si alyas “Rint Joshua”, 25, ng Barangay 144, Bagong Barrio, Caloocan City at kanyang mga kasabwat na sina alyas “Baby Ama”, at alyas “Jomar Gabun” na pinaghahanap na ng mga kapulisan.
Ayon kay PCol Destura, nahuli si alyas Rint Joshua sa kanyang bahay sa Barangay 144, Bagong Barrio, Caloocan City dakong alas-7:00 ng gabi sa isinagawang follow-up operation ng Station Investigation Unit (SIU), at Detective Management Unit (DMU).
Ayon sa ulat ni Jovelyn Bacalla, Staff employee, na dakong 4:00 ng hapon, natuklasan niya na 180 piraso ng branded 3060 series na computer graphic cards ang nawawala sa bodega ng kumpanya sa Cabral St. Barangay Maysan, Valenzuela City.
Kaya agad na tinanong ni Bacalla ang warehouse security guard kung saan inamin na nagpunta ang suspek sa warehouse ng madaling araw at pinapa-pull out ang mga items.
Ang mga ninakaw na items ay isinuko ng kanyang mga kamag-anak na itinago sa kanyang tirahan.
Mahaharap si alyas Rint Joshua sa kasong theft.
Pinuri naman ni PCol Ponce Rogelio l Peñones Jr, Acting District Director ng NPD, ang masigasig na pakikipag-ugnayan ng kapulisan ng Valenzuela CPS sa komunidad upang makuha ang loob at tiwala ng mga ito na naging daan upang ang mga nagtatago sa batas ay matunton at maaresto at mapagbayaran ang kanilang mga pagkakasala sa batas.
Source: Valenzuela City Police Station
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos