Tondo, Manila – Nakumpiska ang mahigit Php6.7 bilyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Pambansang Pulisya nitong ika-8 ng Oktubre 2022 sa Jose Abad Santos St., Brgy. 252, Tondo, Manila.
Kinilala ni Police Brigadier General Narciso D Domingo, Director ng Police Drug Enforcement Group, ang suspek na si Ney Saligumba Atadero, 50, at residente ng 1448, Leon Guinto St., Ermita, Manila.
Ayon kay PBGen Domingo, nahuli ang suspek ng pinagsanib na pwersa ng Police Regional Office 4A, National Capital Region Police Office (NCRPO), Philippine Drug Enforcement Agency NCR (PDEA NCR), Regional Special Operations Unit (RSOU 4A), Regional Police Drug Enforcement Unit 4A (RPDEU 4A), Philippine Drug Enforcement Agency 4A (PDEA 4A), Regional Drug Enforcement Unit NCR (RDEU NCR), Manila Police District – Drug Enforcement Unit (MPD DEU), Bureau of Customs, Customs Intelligence and Investigation Service (BOC CIS), Regional Intelligence Division (RID)- RSOG NCRPO, Moriones Police Station 2 at ng National Bureau of Investigation.
Dagdag pa ni PBGen Domingo, nakuha sa suspek ang mahigit kumulang 990 kilogram at 102-gram ng hinihinalang shabu na may estimated Standard Drug Price (SDP) na Php6,732,000,000; buy-bust money; at mga assorted identification card.
Nahaharap si Atadero sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PBGen Domingo ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon, aniya ito ang pinakamalaking halaga na nakumpiska sa buong kasaysayan sa isang personalidad lamang.
Tiniyak din niya na patuloy pa nilang paiigtingin ang kampanya laban sa lahat ng uri ng ipinagbabawal na droga sa buong bansa upang masiguro ang kaligtasan ng lahat at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong komunidad.