Cebu City – Kalaboso ang 24 na taong gulang na lalake sa Cebu City matapos mahulihan ng milyon-milyong halaga ng ilegal na droga sa inilunsad na buy-bust operation ng Cebu City Police Office sa Sitio Sto. Niño, Brgy. Kamagayan, Cebu City noong Lunes, Enero 30, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Ireneo Dalogdog, City Director ng Cebu City Police Office, ang naaresto na si alyas “Ricardo”, residente ng nabanggit na barangay.
Ayon kay Police Colonel Dalogdog, nadakip ang suspek bandang alas-9 ng gabi sa operasyon ng mga operatiba ng Police Station 2, CCPO na pinangunahan ni Police Major Nolan Tagsip, Station Commander.
Ayon naman kay Police Major Tagsip, mahigit isang buwan nang iniimbestigahan at minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek hinggil sa kanyang karaniwang gawain.
Kabilang sa mga nakumpiska sa suspek ang nasa mahigit kumulang 900 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php6,120,000, tatlong tea bag at isang eco bag na ginamit bilang lagayan ng droga, at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Kaugnay sa matagumpay na operasyon ay pinuri ni Police Colonel Dalogdog ang buong hanay ng PS 2, CCPO, kasunod nito ay muling hinikayat ng director ang buong kapulisan sa Cebu City na ipagpapatuloy ang pinaigting at pinahusay na mga hakbang sa kampanya kontra ilegal na droga maging sa lahat ng uri ng kriminalidad para sa kaayusan, kaligtasan, at kapayapaan ng lungsod.