Marantao, Lanao del Sur – Tinatayang Php580,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng PNP at PDEA sa Brgy. Palao, Ranao-ranao, Marantao, Lanao del Sur nitong ika-27 ng Setyembre 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General John Guyguyon, Regional Director ng PRO BAR, ang mga naarestong suspek na sina Amir Abdullah alyas “Michael” at Abol Khair Mundayaw Mamalampak, na parehong residente ng Brgy. Cawayan, Marantao, Lanao del Sur.
Ayon kay PBGen Guyguyon, ang nasabing buy-bust operation ay mula sa pinagsanib na tauhan ng Special Operations Unit 15, PNP Drug Enforcement Group, Criminal Investigation and Detection Group, Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit ng Lanao Del Sur Police Provincial Office, 1403rd Regional Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 14, 1st Lanao Del Sur Provincial Mobile Force Company, Marantao Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency BARMM.
Dagdag pa, ang operasyon ay inilunsad matapos makatanggap ng intelligence information tungkol sa transakyon sa ilegal na droga ng mga naarestong suspek.
Isang poseur-buyer ang bumili ng hinihinalang shabu gamit ang Php300,000 bilang buy-bust money na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang pirasong zip lock transparent cellophane na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 75 gramo na nagkakahalaga ng Php510,000 at isang heat-sealed transparent cellophane na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 25 gramo na nagkakahalaga ng Php70,000.
Samantala, pinuri ni PBGen John Guyguyon, ang walang humpay na pagsisikap ng magkasanib na mga operatiba ng pulisya at muling iginiit na ang PRO BAR ay magpapatuloy sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa iba pang mga yunit na nagpapatupad ng batas, gayundin sa komunidad upang masugpo ang kalakalan ng ilegal na droga at mga ilegal na mga aktibidad sa rehiyon.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz