Arestado ang dalawang High Value Individual matapos mahulihan n Php578,000 halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Mandaue City, noong ika-7 at ika-9 ng Hunyo 2024.
Kinilala ni Police Colonel Julius B Sagandoy, City Director ng Mandaue City Police Office, ang dalawang High Value Individual na suspek na sina “Glenn”, 60 anyos at residente ng Barangay Subangdaku, Mandaue City, Cebu at alyas “Joseph”, 38 anyos at pansamantalang naninirahan sa Barangay Alang-Alang, Mandaue City, Cebu.
Bandang 8:48 ng gabi ng ika-7 ng Hunyo 2024 ng ikinasa ng City Intelligence Unit / City Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek na si “Glenn” at pagkasabat ng 25 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php170,000.
Samantala, bandang 4:50 naman ng madaling araw ng Hunyo 9, 2024 ng nakalaboso ng kapulisan ang suspek na si alyas “Joseph” at nasabat ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php408,000.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng ilang araw ng estratehikong pagpaplano, pagsubaybay, at pangangalap ng impormasyon ng mga operatiba ng MCPO sa pamamagitan ng malawakang intelligence-driven operation.
Pinuri naman ni PCol Sagandoy ang mga tauhan sa matagumpay na operasyon, at binibigyang-diin ang walang humpay na pangako ng ating kapulisan na pangalagaan ang ating komunidad mula sa masasamang epekto ng ilegal na droga.
SOURCE: MCPO Press Release and SR
Panulat ni Pat Grace P Coligado