Nakumpiska ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Bacolod City Police Office (BCPO) ang tinatayang Php578,000 halaga na pinaghihinalaang shabu sa Sulom Dos, Barangay Villamonte, Bacolod City, bandang alas 7:30 ng gabi, nito lamang ika-2 ng Setyembre 2024.
Ang nasabing operasyon ay pinamunuan ni PLtCol Antonio Benitez, hepe ng CDEU BCPO, na nagresulta sa pagkakaaresto nina alyas “Jerry”, 54 taong gulang, my asawa, isang jeepney driver, at tinukoy bilang isang High Value Individual; alyas, “Ruel”, 27 taong gulang; at alyas “Raffy”, 28 taong gulang, parehong mga residente ng nasabing lugar.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na buy-bust item, siyam (9) na sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang may bigat na 85 gramo, isang piraso ng 1,000 peso bill na buy-bust money, isang pirasong pulang bag, isang pirasong pouch, isang pirasong kanistro, at isang pirasong timbangan.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang isasampa sa mga suspek.
Ang mga operasyon na ito ang nagpapatunay na ang ating mga kapulisan ay hindi titigil upang masugpo ang kriminalidad sa ating lugar at hinihikayat din ang publiko na maging aktibo sa pagprotekta sa kanilang mga komunidad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad.
Source: Bacolod City Police Office
Panulat ni Pat Ledilyn T Bansagon