Rizal – Tinatayang Php559,640 halaga ng shabu, baril at mga bala ang nakumpiska mula sa dalawang security guard at isa pang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Cardona PNP nito lamang Martes, Oktubre 10, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Rainerio De Chavez, Officer-In-Charge ng Rizal Police Provincial Office, ang tatlong suspek na sina alyas ‘’Bon’’, 33, residente ng Brgy. Patunhay, Cardona, Rizal; alyas ‘’Richard’’, 51, security guard, residente ng Brgy. Bombongan, Morong, Rizal at alyas ‘’Roderick’’, 39, security guard, residente ng Brgy. Milagrosa, Carmona, Cavite.
Naaresto ang tatlong suspek bandang 6:35 ng umaga sa Sitio Balso Brgy. Calahan, Cardona Rizal ng mga operatiba ng Municipal Drug Enforcement Team (MDET) ng Cardona Municipal Police Station matapos makatanggap ito ng report mula sa isang hindi nagpakilalang impormante tungkol sa laganap na bentahan ng pinagbabawal na droga sa nasabing lugar.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 82.3 gramo na may halagang Php559,640, isang kalibre .45 na baril, magazine, mga bala, tatlong unit ng cellphone, isang wallet, isang coin purse, isang sling bag at Php1,000 bill bilang buy-bust money.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at R.A 10591 o Firearms and Ammunitions Law kaugnay sa Omnibus Election Code.
“Ang pagkakahuli sa mga suspek ay resulta ng mas pinaigting na kampanya ng Rizal PNP para matuldukan ang problema sa ilegal na droga na nagbubunga ng samut saring krimen” ani ni PCol De Chavez.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel T Dulin