Bukidnon – Kumpiskado ng mga operatiba ng Valencia City Police Station ang tinatayang Php558,552 halaga ng ilegal na droga, isang improvise na baril at mga bala sa ikinasang buy-bust operation sa Purok – 4, Brgy. Batangan, Valencia City, Bukidnon nito lamang Enero 3, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Ricardo Layug Jr., Regional Director ng Police Regional Office 10, ang dalawang suspek na sina alyas “Joseph”, 30, residente ng Purok 4, Don Carlos, Bukidnon at alyas “Jelmar”, 31, residente ng Purok 8, Barangay Kalubihon, Don Carlos, Bukidnon.
Nakuha sa pag-iingat ng dalawang suspek ang tinatayang nasa 82.14 gramo ng shabu na may Standard Drug Price na Php558,552, improvised na baril, mga bala, sling bag, cellphone at isang unit ng Toyota Altis.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek.
Ang matagumpay na operasyon ng Valencia City PNP ay resulta ng matatag na suporta at patuloy na pakikiisa ng komunidad sa kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga.