Bacolod City – Arestado ang dalawang tulak ng droga matapos makuhanan ng ilegal na droga sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga operatiba ng Bacolod City Police Station 5 sa Capitol Subdivision, Brgy. Granada, Bacolod City, alas-6:05 ng gabi, ika-6 ng Enero 2024.
Kinilala ni Police Major Joery Puerto, OIC ng Police Station 5, ang mga suspek na sina alyas “Kid” na isang High Value Individual, at si alyas “Jessa” na naitala naman bilang Street Level Individual drug personality sa nasabing siyudad.
Ayon kay PMaj Puerto, tinatayang 86 gramo ng suspected shabu ang nakumpiska sa posesyon ng dalawang suspek, na kung saan ito ay nagkakahalaga ng aabot sa Php548,000.
Nahaharap ngayon ang mga nahuling drug personality sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na buy-bust operation ay isang patunay na hindi tumitigil ang kapulisan upang pigilan ang paglanap ng ilegal na droga, para sa pagpapanatili ng isang maayos, ligtas at mapayapang komunidad.