Marikina City — Timbog ang tatlong High Value Individual (HVI) matapos mahulihan ng tinatayang Php544,000 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Marikina City Police Station nito lamang Huwebes, Agosto 17, 2023.
Kinilala ni Acting Regional Director PBGen Jose Melencio Nartatez Jr, ang mga suspek sa pangalang Marcelo, 39; Fatima, 35; at Bainot, 33.
Ayon kay PBGen Nartetez Jr, naganap ang nasabing operasyon ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), bandang 1:10 ng madaling araw sa kahabaan ng Jaybee St., Brgy. Nangka, Marikina City.
Nasamsam ng mga otoridad ang 10 pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kasama ang mga binili nitong humigit-kumulang 80 gramo na nagkakahalaga ng Php544,000; 1 pirasong knot-tied na transparent plastic bag (bag ng yelo); 1 pirasong coin purse na kulay puti; 1 pirasong pouch na kulay grey; 1 unit na motorsiklo Rusi 125 na may plate no. 4850UA; 1 piraso ng Php500 na buy-bust money at 3 pirasong Php100 na nakumpiskang pera.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinaabot ni PBGen Nartatez, Jr ang kanyang lubos na pasasalamat sa kanyang hanay partikular na ang mga drug enforcement unit nito para sa pag-aresto sa mga high value illegal drug personalities at pag-agaw ng napakalaking halaga ng mga ilegal na droga.
“Hindi tayo magtitimpi hangga’t hindi natin naisasakatuparan ang ating pangunahing layunin na magkaroon ng drug-free Metro Manila. Tinitiyak ng Team NCRPO na ang pagpuksa sa ilegal na droga sa ating rehiyon ay magpapatuloy upang mabawasan ang bilang ng krimen sa ating lugar,” ani RD, NCRPO.
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos