Sulu – Nakumpiska ng PNP ang Php517,000 halaga ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu nito lamang ika-4 ng Oktubre 2022.
Ayon kay Police Brigadier General John Guyguyon, Regional Director ng PRO BAR, matapos makatanggap ng impormasyon ang CIDG patungkol sa mga inabandunang kahon na pinaniniwalaang mga smuggled na sigarilyo sa Subah Datu Compound ay agad nila itong tinungo.
Katuwang sa nasabing operasyon ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Sulu Provincial Field Unit, Indanan Municipal Police Station, 1st Provincial Mobile Force Company ng Sulu Police Provincial Office na nakakuha ng 47 kahon ng samu’t saring smuggled na sigarilyo mula sa hindi pa nakikilalang mga suspek.
Narekober sa lugar ang 18 kahon ng Ray Cigarettes, 12 kahon ng Stone Cigarettes, 10 Gift Cigarettes, 5 kahon ng Royal Cigarettes at 2 kahon ng Delta Indigo Cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng Php517,000.
Samantala, pinuri ni PBGen Guyguyon ang operating team sa kanilang agarang pagtugon at matagumpay na pagbawi ng mga kontrabando. Dagdag pa na determinado ang PRO BAR na paigtingin ang operasyon ng pulisya at pagsasagawa ng foot patrol at hikayatin ang komunidad na suportahan ang mga programa ng PNP laban sa smuggling at iba pang uri ng ilegal na aktibidad.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz