Iloilo City – Nasabat sa apat na drug suspek ang Php510,000 halaga ng shabu sa joint buy-bust operation ng PNP sa Zone 2, Brgy. Rizal, Pala-Pala, Iloilo City, noong ika-9 ng Setyembre 2023.
Kinilala ni Police Captain Glenn Soliman, Hepe ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jhai2x”, 24, walang trabaho; alyas “Bon2x”, 27, at isang fish vendor; alyas “Lena”, 58, may asawa, at walang trabaho; at si John Lee, 31, at isang cellphone technician na pawang mga residente ng nasabing lugar.
Ang naturang buy-bust ay isinagawa ng pinagsamang mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 sa pangunguna ni Police Captain Glenn Soliman, at ng Iloilo City Police Station 1- Station Drug Enforcement Team.
Ayon kay PCpt Soliman, naaresto ang mga suspek nang sila ay magsabwatang magbenta ng pinaghihinalaang shabu sa police-poseur buyer kapalit ng halagang Php12,000.
Ayon pa kay PCpt Soliman, sina alyas “Jhai2x” at alyas “Bon2x” ay maglive-in partner na main target ng operasyon kasama ang ina ni “Jhai2x” na si alyas “Lena” na pawang mga nasa listahan ng mga High Value Individual, samantalang si John Lee ay nasa listahan naman ng mga Street Level Individual.
Narekober sa mga suspek ang 34 pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kabilang na ang buy-bust item na may bigat na 75 gramo na nagkakahalaga ng Php510,000, at iba pang mga non-drug items.
Ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PBGen Sidney Villaflor, Regional Director ng Police Regional Office 6, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon na resulta ng pinaigting at mahusay na pagsasagawa ng mga kampanya laban sa ilegal na droga.