Rizal – Tinatayang Php510,000 halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa dalawang suspek sa ikinasang buy-bust operation ng Antipolo PNP nito lamang Miyerkules, Oktubre 4, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Rainerio De Chavez, Officer-In-Charge ng Rizal Police Provincial Office, ang dalawang suspek na si alyas ‘’Lim’’ at alyas ‘’Ana’’, pawang dati nang nakulong sa pagbebenta ng ilegal na droga subalit pagkalaya ay muli na namang bumalik sa maling gawain.
Naaresto ang dalawang suspek bandang 12:04 ng hating-gabi sa Brgy. Mayamot, Antipolo City sa Drug Buy-Bust Operation ng mga operatiba ng Antipolo City Police Station.
Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang tatlong pirasong pakete at malaking nakataling plastic ng hinihinalang shabu na may timbang na 75 gramo at nagkakahalaga ng Php510,000, isang pirasong Php500 bill at isang kulay itim na coin purse.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Ang pagkaka-aresto sa mga suspek ay sumasalamin sa pagnanais ng Rizal PNP na iparating sa mga drug pushers na walang lugar ang mga ito sa probinsya ng Rizal” ani ni PCol De Chavez.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel T Dulin