Calabanga, Camarines Sur– Tinatayang Php500,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa apat na suspek sa isang drug den sa buy-bust operation ng Calabanga PNP at PDEA nitong Martes, Abril 26, 2022.
Kinilala ni Police Major Rodolfo Borromeo, Officer-in-Charge, Calabanga Municipal Police Station ang mga suspek, ang mag-asawang Romeo at Jocy Samson, 43, residente ng Barangay Sabang, Calabanga, Camarines Sur at dalawang bisita sa nasabing drug den na sina Erwin Malanyaon, 43 at Samuel Dela Cruz, 28, na pawang mga residente ng Calabanga, Camarines Sur.
Ayon kay Police Major Borromeo, naaresto ang mga suspek bandang 5:09 ng umaga sa Zone 1, Barangay Sabang, Calabanga, Camarines Sur ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng PDEA – Camarines Sur at PDEA Masbate, Provincial Intelligence Unit- Camarines Sur at Calabanga Municipal Police Station.
Ayon pa kay Police Major Borromeo, nakuha mula sa mga suspek ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may Standard Drug Price na Php500,000.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Ang pakikipagtulungan ng PNP at PDEA na masawata ang mga naturang suspek ay isang patunay na mas pinalakas ng ating gobyerno ang kampanya laban sa ilegal na droga at tuluyan nang masugpo ang mga ganitong maling gawain na nakakasira sa ating komunidad.
Source: Calabanga Municipal Police Station
###
Panulat ni Patrolman Rodel Grecia