Dasmariñas City, Cavite – Tinatayang Php5,780,000 halaga ng shabu ang nasabat sa tatlong High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng PNP CALABARZON at PDEA nito lamang Lunes, Setyembre 26, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Jose Melencio C Nartatez Jr, Regional Director, Police Regional Office 4A, ang tatlong HVI na sina Dexter Santos y Meneses alyas “Ingging”, 25, walang asawa, walang trabaho, residente ng Brgy. H-2, Dasmariñas City, Cavite; Arlene Navarro y Donghit alayas “Arlene Navarro”, 41, may asawa, online seller, residente ng Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite at Ruffa Maie Gervacio y Donghit, 22, walang asawa, online seller, residente ng Brgy. H-2, Dasmariñas City, Cavite.
Ayon kay PBGen Nartatez Jr, bandang 8:00 ng gabi naaresto ang tatlong HVI sa bakanteng lote na katabi ng Andreaville Subd., Jose Abad Santos Road, Brgy. Salitran 4, Dasmariñas City, Cavite ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 4A, Regional Intelligence Division/Regional Special Operations Unit 4A, Provincial Drug Enforcement Unit Cavite, Dasmariñas City Police Station, and Philippine Drug Enforcement Agency 4A.
Narekober sa mga suspek ang siyam na nakataling transparent bags ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 850 gramo na nagkakahalaga ng Php5,780,000, isang totoong pirasong Php1,000 bill na nakapatong sa 699 pirasong pekeng Php1,000 bill bilang buy-bust money, isang asul na eco bag at dalawang brown na Alfamart paper bag.
Nahaharap ang tatlong HVI sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article ll ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang tagumpay ng operasyon ay bunga ng pagtutulungan ng kapulisan at mamamayan sa pagtukoy at paghuli sa mga nagbebenta o gumagamit ng ilegal na droga para maisakatuparan ang kaligtasan, kaayusan at kaunlaran ng rehiyon.
Source: Police Regional Office 4A
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin