Aabot sa isang (1) kilo ng Cocaine na nagkakahalaga ng Php5.3-milyon ang nasabat sa buy-bust operation na ikinasa ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sitangkai, Tawi-Tawi noong Oktubre 29, 2021.
Naaresto sa naturang operasyon ang suspek na si Basir Daud, 49 anyos at residente ng Pundohan Tapis, Barangay Sipangkot ng Sitangkai, Tawi-Tawi.
Batay sa report ng Sitangkai Municipal Police Station, matagal ng minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek dahil sa mga iligal nitong transaksyon bago pa man isinagawa ang buy-bust operation.
Bukod sa Cocaine, narekober din ng awtoridad mula kay Daud ang isang (1) M16 rifle.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Sitangkai MPS at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
###
Article by Police Corporal Josephine T Blanche