Amadeo, Cavite – Tinatayang Php5,202,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang big time drug peddler sa isinagawang buy-bust operation ng PDEA at PNP CALABARZON nito lamang Sabado, Setyembre 17, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez, Jr, Acting Regional Director ng Police Regional Office 4A, ang suspek na si Joel Saut Y Alfamaso alyas “Jojo Zaut”, 40, big time drug peddler, residente ng No. 095 F, Purok 3 Brgy. Dagatan, Amadeo, Cavite.
Ayon kay PBGen Nartatez Jr, bandang 2:40 ng hapon naaresto ang suspek sa harap ng kanyang tahanan ng pinagsamang operatiba ng PNP Drug Enforcement Group, Special Operations Unit 4A, Regional Special Operations Unit 4A/Regional Intelligence Division 4A, Regional Police Drug Enforcement Unit 4A, Provincial Intelligence Unit Cavite, Amadeo Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency 4A.
Narekober mula sa suspek ang dalawang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaghihinalang shabu na may timbang na 765 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php5,202,000, isang pirasong Php1,000 bill, Php50,000 bilang boodle money, isang olive green sling bag, isang brown/black wallet at isang driver’s license.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang Cavite PNP sa pagpapaigting sa kampanya laban sa ilegal na droga para maiwasang masira ang kinabukasan ng mamamayan lalo na sa kabataan at magkaroon ng ligtas, maayos at mapayapang probinsya.
Source: Police Regional Office 4A
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin